Maria Labo – Urban Legend

Reading Time: 18 minutes

Panigurado kilalang kilala nyo na si Maria Labo. May ibang naniniwala sa atin na sya ang reyna ng mga aswang. Ang istorya ni Maria ay kilala sa probinsya ng iloilo, capiz, antique at aklan. Mas nakilala sya sa kwento patungkol sa pagpatay nito sa kanyang mga anak at pagkain dito. Pero ito nga ba ang totoo?

Urban Legend:

Maraming bersyon ang kwento ni maria.

Version 1
Ayon sa kuwento, pulis ang mister ni Maria at mayroon silang anak na apat na lalaki. Hindi masagana ang buhay ng kanilang pamilya kaya nagdesisyon si Maria na mangibang bansa upang magtrabaho. Napadpad siya sa England bilang isang katulong at caregiver.

Ang hindi niya alam, bampira ang kanyang amo. Ang madalas na hinihingi ng kanyang amo sa kanya ay half-cooked na atay. Matapos ang ilang buwang paninilbihan, nagkasakit siya kaya nagpasya siyang umuwi na lamang. Ang hindi niya alam ay nakakain siya ng dugo ng kanyang amo nang hindi sinasadya.

Ilang buwan matapos na umuwi, nagluto ng “masarap” na ulam si Maria. Habang kumakain, itinanong ng kanyang mister kung nasaan ang kanilang anak. Ang sagot niya ay nandiyan lang ang mga ito. Hindi naman ito binigyang pansin ng kanyang mister. Pero nagulat ito nang magbukas ng refrigerator at nakita roon ang ulo ng anak na nakalagay sa isang kahon. Ang ibig palang sabihin ni Maria na nandyan lang ay nasa loob ng ref at kinakain na nila ang lamang-loob nito. Sa galit ng kanyang mister, kumuha ito ng malaking kutsilyo at hiniwa ang
mukha ng kanyang misis. Nakatakas si Maria at sinasabi na nagpapalipatlipat ito ng lugar upang maghanap ng
mabibiktima.

Version 2
May isang kwento naman na si maria ay pumunta sa canada para maging caregiver, kagaya ng naunang kwento, ang amo nito ay isang bampira. Nuong namatay ang kanyang amo, pinasa sa kanya ang sumpa o kapangyarihan. Dahil na din sa kanyang sitwasyon, umuwi ito ng pilipinas at dito na nga naghanap ng laman si Maria.
Isang araw umuwi ang asawa nito na isang pulis at hinanap ang kanilang mga anak. Si Maria hindi sumagot at tinuro lang ang kanyang niluluto. Nuong tiningnan ito ng kanyang asawa, nakita nya ang kanilang mga anak. Sa galit kinuha nito ang isang bolo at initak sa kanyang asawa at dito na nga nabansagan ang pangalang maria labo.

Subalit kagaya ng naunang istorya, nakatakas si maria. Nagpunta sa visayas at sumunod sa mindanao naman. Kagaya ng isang tipikal na aswang, may kakayahan itong magbago ng anyo. Minsan lumilitaw ito bilang isang napakagandang babae. Minsan naman isang matanda.

Version 3
Kagaya ng dalawang naunang istorya ang pangatlo ay malaki ang kahalintulad dito.

Si Maria ay napangsawa si Damien, isang pulis at nanirahan sila sa western visayas at nagkaroon ng dalawang anak. Gustong makatulong ni Maria sa kanyang pamilya kaya naman sumubok itong magapply ng trabaho sa dubai.

Nagtagumpay naman si Maria sa kanyang paghahanap at nakapunta ng dubai. Subalit isang taon matapos nito, bumalik si maria. Pagbalik ni Maria dito na nagkaroon ng kababalaghan sa kanilang komunidad. Isang patay na bata ang natagpuan, butas ang tyan nito at ang kanyang laman loob ay para bang kinain.

Isang araw, umuwi si Damien, nagtataka ito kasi hindi sya sinalubong ng kanyang mga anak. Habang si Damien todo paghahanap sa kanyang asawa, si maria naman chinchop chop ang isang karne at ang dugo nito ay nagkalat sa kanya. Si Maria nakafocus sa kanyang ginagawa.

“Narinig mo ba ako? Nasaan ang anak natin? Tanong ni Damien.”
“Kumain kamuna… masarap tong inihanda ko para sayo.”

Pinupursigi ni maria na kumain muna ito at tigilan muna ang paghahanap sa bata at sinabing ienjoy muna ang kanyang niluto. Umalis si maria para makakain si damien. Maya maya pa nakarinig ng mahinang pagiyak si damien at nangagaling ito sa ilalim ng kanilang lamesa.

Nuong tinignan ito ni Damien, ang isa nitong anak nagtatago at nakatitig sa ref. Agad tumayo si damien at tiningnan kung anong meron sa ref. Pag bukas nito, nakita nya ang mga parte ng katawan at isa dito ang kamay ng kanyang panganay na anak. Dahil sa natuklasan, agad na tumakbo si damien sa kanyang bunsong anak para tingnan ito pero wala na ang sanggol.

Agad kinuha ni damien ang bolo at hinanap ang kanyang asawa. Dito nakita nya si Maria nakaluhod at para bang may kinakain. Nuong tumingin ito sa kanya, dito nya nakita ang kinakain ni maria ay ang kanilang sanggol. Dahil sa galit agad nyang initak si maria na syang tumamasa mukha nito.

Version 4

Si Maria Labo ay inihalintulad sa isa pang kilalang urban legend na bloody mary. Kapag ang isang tao ay naalala sya o hindi naman kaya binanggit ang kanyang pangalan ng alas tres ng hapon o madaling araw, si maria labo ay bibisita sa taong yun at kukuhanin nya ito.

Version 5

Mula nang naging malaganap ang militarisasyon sa kanayunan naging magulo na ang probinsiya ng Sorsogon. Walang masaganang ani ang mga magsasaka’t mangingisda. Maraming maliliit na negosyo ang nagsara. Hindi makapasok sa eskwela ang mga bata. Halos hindi na nga makalabas ng bahay ang mga tao. Lahat nahihintay na lang na mabagsakan ng isang bomba, para sabay-sabay na mamatay. Maliban kay Maria Labo.

Malapit sa paanan ng bundok, malayo sa kabayanan, nakatira sa maliit na bahay na yari sa cogon at kawayan ang mag-asawang Maria at Ermin Labo. Mayroon silang dalwang anak, sina Pablo at Rosalinda. Si Ermin ay isang magsasaka habang si Maria naman ang naglalako ng mga ani sa kabayanan.

Mula nang mawalan ng ani ang kanilang gulayan, ipinasya ni Maria na sumama sa kaibigang naghahanap ng domestic helper papuntang Espanya. Naisip niyang mas marami ang kanyan kikitain sa pagtatrabaho sa ibang bansa kaysa sa paglalako ng gulay na hindi na nga niya nagagawa dahil sa kaguluhan sa kanilang bayan.

Isinangla nila ang kanilang lupang sakahan at ang kinatatayuan ng kanilang bahay para pambayad sa kanyang placement fee. Pagkalipas ng tatlong buwan, lumipad si Maria papuntang Espanya.


Sa isang lumang mansion, sa isang bayan na malayun-malayo sa siyudad napadpad si Maria. Bumaba siya mula sa isang kakarag-karag na bus sa tapat ng isang malaki at lumang-lumang gate na bakal. Napupuluputan ito ng mga gumagapang na halaman. Ayon sa agency na nagpadala sa kanya, isang matandang lalaki at isang katiwala na lang ang nakatira sa mansion na kanyang magtatrabahuan.

Pumasok siya sa gate na bahagyang nakabukas. Tanaw niya mula sa kinatatayuan ang kulay abong mansion. Bago makarating roon, kinailangan munang maglakad ni Maria ng halos dalawang kilometro. Maalikabok ang daan na nililinyahan ng malalaking puno sa magkabilang tabi.

Pagdating sa tapat ng mansion, nagulat pa si Maria nang makitang halos tatlong beses na mas matangkad sa kanya ang pintuang gawa sa matigas na kahoy na may mga ukit-ukit na ubas at mga bulaklak. Gawa sa bato ang buong mansion. Napansin niyang halos hanggang tuhod na niya ang mga damo sa bakuran. Halos mapuno na rin ng mga gumagapang na halaman ang kanang bahagi nga mansion.

Kumatok siya gamit ang bilog na bakal na nakasabit mula sa sabitan na hugis ulo ng leon. Luminga-linga siya, nagbabakasakaling may tao siyang makikita, ngunit walang sumalubong sa kanya. Matapos ang halos limang minutong paghihintay, kusang bumukas ang pinto. Bumukas ito nang mabagal na mabagal at gumawa ito ng nakakarindi at nakakangilong ingay na parang bang matagal na itong nakasara at noon lamang nabuksan. Wala siyang makitang tao sa loob sa kanyang pagpasok.

Hindi niya nakita ang matandang lalaki na kanina pa siya taimtim na tinititigan mula pa lang nang pumasok siya sa gate at maglakad patungo sa bahay.

Hola, como estas? bati sa kanya ng isang lalaki mula sa kaliwang bahagi ng mansion.

Napaigtad si Maria sa gulat. Hindi niya inasahang lalabas na lang bigla ang isang lalaking may magarang-magarang kasuotan.

Soy Eduardo. Que te llamas?


Hindi alam ni Maria ang isasagot.

Comprendes Espanol?

Umiling-iling na lamang si Maria. Kung hindi man wala, katiting lamang ang kanyang nalalaman sa wikang Espanyol. Tinitigan muna siya ng lalaki bago nagpumilit magsalita ng Ingles.

Follow. Follow.

Si Eduardo ang katiwala ng mansion. Matagal-tagal na rin siyang naninilbihan doon. Nagbabalak na siyang umalis, ngunit hindi niyo iyon magawa hangga’t hindi pa niya napipili ang tamang babaeng mag-aalaga sa kanyang amo.

Inabot sila ng kalahating araw para lamang libutin ang buong mansion. Inisa-isa nila ang bawat kwarto. At sa bawat kwarto ipinaliwanag ni Eduardo ang mga takdang gawain ni Maria. Pautal-utal na Ingles ang ginamit ni Eduardo, maging iyon ay hindi gaanong naintindihan ni Maria.

Tienes hambre? E, are you, e, starved?

Hindi alam ni Maria kung ano ang isasagot kaya tumango na lang siya. Nahalata ni Eduardo na hindi naintindihan ng kanyang kausap ang sinabi niya. Doon niya nalaman na natagpuan na niya ang babaeng matagal na niyang hinahanap.

Senor Gustavo wants to … e, hablar … e, speak to you …

Tatlong buwan na ring nagtatrabaho sa mansion si Maria, ngunit hirap na hirap pa rin silang magkaintindihan at magkausap. Mas madali na lang para sa kanila ang magsenyasan.

Sa loob ng tatlong buwang iyon, dalawang beses pa lang nakakapasok si Maria sa kwarto ng among si Gustavo. Sabi ni Eduardo, sa pautal-utal na tagpi-tagping kwento, si Gustavo ay matagal nang may karamdaman. Maselan ang kalagayan nito kaya hindi pwedeng makita ng maraming tao.

Noong unang pagkakataon na nakapasok si Maria sa kwarto ni Gustavo halos hindi rin sila nagkita. Ipinakilala lang siya ni Eduardo, ngunit doon lamang sila nakatayo sa pintuan. Madilim ang bahagi ng kama kung saan nakaratay si Gustavo kaya hindi halos naaninag ni Maria ang mukha ng matandang lalaki.

Nang ikalawang pagkakataon, nakapasok at nakalapit na si Maria kay Gustavo. Kinuha niya ang arinola sa tabi ng kama ng amo. Kulu-kulubot na ang balat nito. Manipis na manipis na ang maputing buhok sa ulo. Halos puti na lahat ang mga mata nito. Bago siya umalis tinanong si Maria ni Gustavo. Mahinang-mahina ang boses nito, halos hindi na marinig ni Maria.

Are you Filipina?

Tumango si Maria, naintindihan niya ang tanging tanong na itinanong sa kanya ng amo.

A, opo, si, si, Senor Gustavo. I am Filipina.

Nagtataka si Maria. Iniisip niya ang mga posibleng dahilan kung bakit siya pinatawag ni Gustavo gayong nariyan naman si Eduardo para ibigay anuman ang pangangailangan ng amo. Iniwan niya ang nililinis sa kusina para pumunta sa kwarto ng amo. Bago makalabas ng kusina, pinaalalahanan pa siya ni Eduardo.

Maria, nunca, e, do not go out of the room if Senor Gustavo, e, is not asleep yet.

Marahang kumatok saka pumasok si Maria sa kwarto ni Gustavo. Lumapit siya sa matanda. Sinenyasan siya nitong lumapit. Tila may ibubulong ang kanyang amo. Dahan-dahan niyang inilapit ang kanyang mukha sa mukha ni Gustavo.

Kabadong-kabado si Maria. Hindi man lang niya nahulaan na ang pagpasok niyang iyon ay ang kanyang huli. Dahil paglabas niya, hindi na siya ang dati.


Malaki ang nagbago sa pamilya ni Maria simula nang bumalik siya galing Espanya. Dalawang buwan na rin ang nakakaraan mula nang bumalik siya sa bayan nila sa Sorsogon.

Inggit na inggit ang mga tao nang dumating siya. Apat na buwan lang siyang namalagi sa Espanya, ngunit marami siyang dala-dalang pasalubong. Marami siyang dalang mamahaling mga plato, kubyertos, at kandelabra. Nabawi nila agad ang lupang isinangla at nakapagpagawa sila ng bagong bahay.

Ngunit, ang ipinagtataka ng lahat ay kung bakit ni hindi man lang nila makita si Maria na lumabas ng bahay. Lagi silang nag-aabang na luluwas sa bayan si Maria ngunit hindi man lang nila ito matiyempuhan.

Gayon din si Ermin at ang kanyang mga anak. Takang-taka sila sa panlalamig ni Maria sa kanila. Hindi ito gaanong nagsasalita bagamat nananatili pa rin itong maasikaso at mapagbigay. Kapag gabi, sa kama, naririnig ni Ermin ang impit nitong pag-iyak. Kapag hinahawakan siya ni Ermin para aluhin napapaso ito dahil sa sobrang lamig ng kanyang katawan. Para siyang yelo sa lamig. Kinukumutan siya ni Ermin at niyayakap, ngunit pakiramdam nito para lamang itong yumayakap sa hangin.

Minsan, isang hatinggabi, napabalikwas si Ermin nang marining niyang pumapalahaw sa bintana si Maria. Nang magmulat siya’t hinanap ang asawa nagulat siya nang makitang duguan ang katawan ni Maria. Laslas ang leeg nito at sumisirit mula doon ang napakaraming dugo. Hindi siya nagpahalatang gising bagama’t takot na takot na siya. Nakita niyang tumagos sa pader ang katawan ni Maria. Nangilabot siya. Nagkunwari siyang tulog nang lapitan siya ng kanyang asawa. Alam niyang nilapitan siya nito at tinitigan ang kanyang mukha. Naaamoy ni Ermin ang lansa ng dugo at ang amoy ng naaagnas na katawan. Ipinagdasal niyang sana panaginip lang ang lahat. At kung binabangungot man siya, sana magising na siya, at sana normal pa rin ang lahat.

Paggising niya kinabukasan, wala si Maria sa kanyang tabi. Hinanap niya ito sa buong kabahayan ngunit hindi niya ito nakita. Tinanong niya ang kanyang mga anak kung nakita nila si Maria ngunit hindi nila ito nakita simula ng nakaraang gabi.

Ikinuwento ng kanyang dalawang anak na nanaginip silang nakita nila ang kanilang ina na umiiyak sa kwarto nila. Duguan ang buong katawan nito. Laslas ang leeg at sumisirit ang dugo mula dito. Nilapitan sila at hinalikan ng kanilang ina, tapos paggising nila, walang anumang bakas na nagpunta nga roon si Maria.

Kinilabutan si Ermin. Pare-pareho nilang nakita si Maria ng nakaraang gabi sa pare-parehong sitwasyong. Takang-taka pa rin siya kung saan naroon ang kanyang asawa. At habang tumatagal lalo siyang kinakabahan sa mga bagay na maaari niyang matuklasan.

Mag-aalas siyete ng gabi, wala pa rin si Maria, nang biglang may kumatok sa kanilang pintuan. Dali-daling tumayo si Ermin para pagbuksan ang pinto. Inaasahan niyang si Maria na iyon. Ngunit, nang kanyang pagbuksan, bumungad sa kanya ang dalawang lalaking dayuhan.

Ang dalawang lalaki ay mula sa Spanish Embassy. Ibinalita nila na noong isang araw. natagpuan ang bangkay ni Maria Labo na naaagnas sa ilalim ng kama ng amo nito sa Espanya. Ang among si Gustavo ay dating magaling na doktor na nabaliw dahil iniwan ng kanyang Filipinang asawa.

Nasa mental hospital na si Gustavo habang ang katiwala naman nitong si Eduardo ay nakulong sa pagtatakip sa krimen ng kanyang amo.

Hindi makuhang magsalita ni Ermin. Tiningnan niya ang buong kabahayan, inisip niya kung paanong patay na si Maria nang mahigit dalawang buwan, gayong dala-dala pa niya ang mga pera’t kagamitan na nakikita niya sa paligid ng bahay. Hindi siya naniwala sa dalawang lalaki. Pinaalis niya ang mga ito at pinagsisigawan.

Hinintay niya si Maria. Inisip niyang nagbakasyon lang ito sa kung saan at babalik na rin pagtagal-tagal. Hinintay niya nang hinintay ang kanyang asawa. Pagkalipas ng isang linggo dumating si Maria, ngunit, isa nang naaagnas na bangkay.

Pagkakaiba iba:

Dahil na din sa pasalit salit na kwento ang istorya ay nag iba. Pero isang impormasyon ang hindi nabago. Ang kanyang pangingibang bayan. May iba pang kwento na di umano si Maria Labo ay nirape at sumumpang maghihinganti. Habang ang iba naman ay nagsasabi na nakuha nya ang kanyang kapangyarihan sa ibang bansa na ipinamana sa kanya. May iba rin na naniniwala na hindi aswang si maria labo bagkus isang cannibal.


Konklusyon:

Dahil na din sa paiba iba nitong istorya, nawawala ang kredibilidad nito. Hindi ko masabing ito ay totoo o hindi pero isang matibay na ibedinsya na ito ay isang kwento kwento lamang ay nuong binisita ng gma ang nasabing ligar nila maria at damien. Dito kinumpirma ng mga pulis na walang ganuong pangyayari kahit ang barangay nagsabing walang ganung pangyayari na kanilang nbalitaan. Dagdag pa ng kagawad, kapag may balita sa baranggay ay agad itong nalalaman ng mga tao pero sa kaso ni maria labo, sadyang walang ganunong pangyayari.

Ang tungkol naman sa sumpa na bloody mary, dito masasabi ko na hindi ito totoo. Isipin nyo naman sa dinamirami ng taong pwedeng magbanggit ng pangalan nya sino ang uunahin nya dito? isa pa daig nya pa signal ng smart o globe pagdating sa ganun, ano un lahat naririnig nya?

Ayan mga boss ang urban legend patungkol kay maria labo.

Report

Final Boss

Written by bulalordyt

Approved CommentRequestsReactionsVotedWebsite VisitYoutube BadgeFacebook BadgeAnniversary

What do you think?

Leave a Reply

Loading…

0

Anong klaseng Empath ka?

Animal of the week – Titanoboa